Thursday, November 26, 2009

Life has to go on, sabi nila.

Katulad ng ibang mga araw, maaga akong nagising dahil sigurado akong malelate nanaman ako sa opisina kapag nagpakabagal bagal pa ako. Minsan kasi kinakatamaran ko na ang pumasok ng maaga dahil nga wala namang bago. Ilang taon na din ako sa trabaho ko kaya wala na ang dating sipag at excitement na naiisip ko noon. Medyo isa na din ako sa mga walang hiya na sa office at hindi na gaanong nahihiya kapag nalelate. (Pero minsan lang naman ako malate.)

Buti na lang ng dumating ako ng Makati, medyo maaga pa kaya naisip kong lakarin na lang ang kahabaan ng Ayala papuntang office. Ilang buildings lang naman ang lalakarin ko.

Namamangha pa din ako sa twing nakikita ko sa malayo ang hilera ng buildings sa Ayala. Nakakatuwang isipin na noon pinapangarap kong magtrabaho sa Ayala. Sabi ko pa na kahit anong trabaho lang basta sa Ayala. Buti na lang, natupad siya. Minsan lang talaga nakakalimutan kong magpasalamat sa lahat ng biyaya na nakukuha ko. Pero hindi ngayon.

Ilang tao na din ang nakasabay ko rito maglakad. Ilang bahagi na din ng buhay ang pinagdaanan ko dito sa Ayala. Pero isa doon ang hindi ko malilimutan.

Sakto.

Nakasalubong ko ang isang iyon.

Si X.

Mahigit dalawang taon na din ang nakakalipas pero parang kahapon lang nangyari ng makita ko uli siya. Walang ipinagbago. Kaya pa ring pangitiin ang puso ko, sa kabila ng lahat.

"I'm sorry." sabi niya sa akin noon habang pareho kaming naluluha.

"Ako din." sagot ko. Pero hindi ko alam bakit ako nagso-sorry.

"Hindi ko sinasadya. Siguro umabot na ako sa dulo. Hindi ko din alam kung bakit. Wala naman ang problema sa'yo. Nasa akin."

Nasaktan ako. Dahil kahit hindi ko alam kung bakit, kailangan ko siyang pakawalan. Ang mas masakit pa, alam kong may dahilan pero ayaw niyang sabihin kung ano.

Para akong niligaw na pusa. Hindi ko alam kung bakit, hanggang sa hindi ko na siya makita uli.

Gusto ko pa sanang tanungin kung wala na ba talagang pag-asa.

"'Wag mo akong kakalimutan ah?" pagputol niya sa katahimikan namin.

Kaya hindi ko na tinuloy na sabihin pa.

"Hindi kita gusto paghintayin. Mahal kita pero kailangan muna nating maghiwalay. Sana pagkatapos ng lahat ng 'to, kung nariyan ka pa, subukan uli natin." dagdag pa niya.

Pero alam kong blanko na ang mga sinasabi niya.

"Oo." nasagot ko. Wala na akong ibang iniisip. Dinaan ko na lang sa iyak.

"Nandito pa naman ako. Hindi ako lalayo hangga't gusto mo."

Hindi nga pero kailangan, naisip ko.

"Oo naman. Ganun din ako." sabi ko. Inisip ko na lang na kung ito ang gusto niya, papayag na din ako. Naramdaman ko na din naman na dito din kami aabot. Hindi ko lang naisip na ganito kabilis.

Iyon ang isa sa mga hindi ko malilimutang araw. Nakapulang shirt ako. Siya nakaputi. Sa bahay niya. Suot ang hiniram kong tsinelas niya at siya galing opisina.

Mahigit dalawang taon na din. Pero bukod sa kanya, hindi na ako nakahanap ng mas ok pa. Masama dahil ikinukumpara ko siya sa mga taong dadaan sa buhay ko, pero hindi ko maiwasan. Lalo na kung nasa kanya na lahat ng hinahanap ko. Hanggang ngayon.

Hanggang sa ngayon na nagkita uli kami. Dito na rin siguro siya nagtatrabaho.

Nakita niya ako. Medyo malayo pa lang. Naglalakad papalapit sa kanya.

Nagkatinginan kami. Sandaling tumigil ang Makati.

At napangiti ako sa kanya habang papalapit ako sa kanya.

Kumusta na? sabi ng ngiti ko.

Okay din naman ako, sagot ng kanya.

Nagkasalubong kami at dumerecho na sa paglalakad papunta sa kanya kanyang opisina.

Napangiti na lang ako sa nangyari.

Noon, kulang ang oras tuwing magkwentuhan kami. Lagi pang may part two kapag nagkekwentuhan kami.

Ngayon, ngiti na lang.

Minsan talaga kakaiba ang buhay. Isang araw iisipin mong hindi mo kakayanin mabuhay kapag nawala ang isa sa mga mahal mo, hanggang sa marealize mong dalawang taon na pala ang nakalipas mula nung naghiwalay kayo.

Natututunan mong tanggapin ang masasakit na bagay. At natututunan mong maging mas matatag na harapin ang mga darating pa.

Life has to go on, sabi nila.

Totoo.

Ang mahirap lang talaga, ang sabihin na 'Life has to go on,' habang nasasaktan ka pa.

4 comments:

Marion Gino said...

clap clap clap....nice...

wanderingcommuter said...

Noon, kulang ang oras tuwing magkwentuhan kami. Lagi pang may part two kapag nagkekwentuhan kami.

tama! ang sad pero masaya.

goodboi said...

Can you walk me through the experience, please? I need this for enlightenment. This is very timely, I must say.

emansky said...

and then we're left with just the memories... masakit pero talagang un na lang ang matitira... ang tanong ko lang... how will you ever get you the one.. kung dumaan na pala sya sa buhay mo...

Related Posts with Thumbnails
 
;