Friday, February 26, 2010

Sana inabutan ko man lang ng kahit P20 si Ate.

Pauwi pa lang ako dahil nagpatulong ako kay B kung paano mag-interview ng applicants. Nagresign kasi yung isang officemate ko at kailangan ng kapalit. Hindi ko naman kayang kunin lahat ng iniwan niyang trabaho kaya buti na lang, pumayag yung may-ari ng kumpanya na maghanap ng kapalit.

Pagkababa ko ng bus sa may Monumento, naglakad na ako derecho sa may overpass para makapunta sa kabilang side at makasakay ng jeep pauwi. Alas dose na din ng madaling araw kaya wala na ang karaniwang mga tao sa paligid.

Pagdating ko sa taas ng overpass, may napansin akong babae na nakaupo lang sa gitna ng tulay. Weird kasi mukhang mag-isa lang siya at nakaupo, nakatitig sa kung saan dumaan yung nauna sa akin. Habang naglalakad ako papalapit sa kanya, saka ko lang napansin na may kalong siyang natutulog na sanggol at namamalimos.

Hindi ko alam ang gagawin ko dahil madalas ang ganoong eksena tuwing umuuwi ako. Nagkataon lang na kaming dalawa na lang ang nasa overpass kaya may bigat na naramdaman ako habang papalapit ako sa lugar nila. Hindi ko alam kung mag-aabot ba ako ng pera o maglalakad ng derecho na parang walang nakita.

Sa kakaisip ko siguro, nanaig ang pagmamatigas ko at nagpatuloy na lang sa paglalakad. Nilagpasan sina Ate at ang kanyang anak.

Habang iniisip kung bakit ko ginawa ang ginawa ko, may aninong mabilis na lumapit sa likuran ko pagkalagpas ko kina Ate. Inisip kong baka may masama siyang balak at habulin ako kaya takot na takot akong lumingon agad para makita kung sino yung nasa likuran ko.

Isang babaeng nursing student lang pala na mukhang nagmamadaling maglakad pauwi.

Nakunsensya ako sa nangyari. Hindi na ako tumulong, pinag isipan ko pa ng masama si Ate na hawak ang anak niyang natutulog ng mahimbing.

At parang may kumalabit sa akin at napahinto ako saglit sa pagbaba ng overpass.

Buong buhay ko, naging mabait sa akin ang Diyos. Ibinigay ang lahat ng kailangan ko ng walang hinihinging kapalit. Ako na nag-eenjoy sa mga biyaya Niya habang may mga taong madaming problema sa buhay. Ako na kakasweldo lang habang may mga taong hindi alam kung may makakain ba kinabukasan.

Nakakahiya na nakakalungkot.

Sana inabutan ko man lang ng kahit P20 si Ate. Kahit barya man lang, nag-abot ako. Baka sakaling makatulong ako para magbago ang buhay niya, at baka sakaling makatulong din siya para magbago ang buhay ko.

1 comments:

Cloud Airheart said...

naantig ako sa post mo na ito. ganun din ako minsan kay nakakarelate ako. hayy

Related Posts with Thumbnails
 
;