Monday, January 18, 2010 6 comments

"Saan bababa?"

"Dito na lang tayo sumakay. Wala na tayong choice eh." sabi ko sa kaibigan ko.

Pauwi na kasi kami galing sa inuman. Gabi na kaya wala ng MRT panigurado.

"Fine. Goodluck sa byahe mo." sagot niya.

"No choice. Sanayan lang."

Pagkasakay namin, medyo puno na din ung mga nasa unang kalahati ng bus kaya dun kami naupo sa may likuran. Sakto dahil sa sumunod na bus stop, madaming sumakay. Buti na lang nakaupo pa kami. Medyo maginaw lang dahil nakatutok sa amin ung aircon ng nasa tapat namin. Giniginaw din siguro.

Buti na lang nakajacket ako, naisip ko.

"Tingnan mo si Ate, oh. Ayaw niya magshopping." sabi niya sa isang babae sa left side ng bus, katapat ng kaharap namin na hindi mapakali kakaayos ng mga pinamili niya. Anim na plastic bag at 3 paper bag.

Mayaman. 

"Eh si Nanay tingnan mo, mahilig sa green." sabi ko sa kasama ko.

"Mukha ngang diring-diri siya sa green eh. Mula ulo hanggang paa nakagreen."

At sabay labas ng panyo ni Nanay. Green.

Nagkatinginan na lang kami ng kasama ko at natawa ng mahina.

"Cute nung baby. Mana sa'kin."

"Sa'yo talaga? Hindi man lang sa atin?" reklamo ko.

Cute nga. Ang saya siguro ng may anak na at nagsisimula ka na ng sarili mong pamilya.

"Saan bababa?" sabi ng konduktor na biglang pumutol sa pagmumuni-muni ko.

Saan nga ba ako papunta? naisip ko.

"Isang Monumento tsaka isang Robinsons." sagot ni kaibigan ko sa konduktor sabay abot ng pamasahe namin.

"Lutang ka? Naghang ata utak mo." biro niya habang natatawa sa akin.

"Hindi. Nagbubuffer lang." sagot ko at napangiti na lang ako.

Napansin niya ata na malalim ang iniisip ko bago dumating ang konduktor.

"Minsan ba naramdaman mo na ung lahat ng nasa paligid mo busy pero ikaw hindi."

Oo, naisip ko.

"What do you mean?" sagot ko.

"Un bang parang everybody's moving forward pero you feel stuck somewhere. Hindi mo alam kung bakit."

Kaibigan nga kita. Alam mo ang takbo ng utak ko.

"Oo naman. Lalo na sa lagay natin. Naiisip ko din yan." sagot ko sa kanya.

"Anong ginagawa mo?"

Iniisip na kailangan kong tulungan ang sarili ko bukas kaya ginagawa ko na ang lahat para sa sarili ko ngayon.

"Wala. Nagpapakabusy na lang ako para hindi ko maisip lagi." na lang ang nasagot ko.

"Ang lungkot nun no? Lalo na walang kasiguruhan ngayon."

"Malungkot talaga. Pero kailangan lang natin gawin kung ano yung kaya natin ngayon."

Hanggang sa bumaba siya, nag-iisip pa din ako. Habang ang lahat busy sa kanilang mga gagawin pag-uwi ng bahay, ako nasa biyahe. Iniisip kung nasaan na nga ba ako ngayon at saan ako papunta.

Biglang tumunog ang office phone ko.

"Pwde mkipagtxtm8?"

At pinatay ko na lang ang phone ko.
Thursday, January 7, 2010 8 comments

"Tres."

Pauwi na sana ako galing office nung naisipan kong alamin magkano ang 'greenhills' price ng phone ko. Tutal ibebenta ko na rin lang, maganda na din siguro na alamin ko kung ano yung pinakamababa kong dapat tandaan.

Samsung Pixon M8800 ang phone ko. Okay na din siya dahil wifi na lang ang kulang, kumpleto na din. Saan ka ba makakahanap ng cellphone na 8Megapixel na?

Pagdating ko sa Grand Central sa may Monumento, naghanap pa ako ng tindahang wala gaanong tao dahil hindi din ako kumportable sa tindahan na may madaming tambay.

Nakakita ako ng isang stall sa may gilid ng mall malapit sa exit. May isang kostumer na babae lang at dalawang babaeng tindera sa likod ng paninda nilang mga cellphones.

"Miss," at nilabas ko ang phone ko para makita nila. "Magkano 'to kung ibebenta ko?" maayos kong tanong sa isang babae na malapit sa akin.

"Anong model nito?" sagot niya habang ineexamine ang phone ko.

"Samsung Pixon M8800." sagot ko pero bago niya pa marining ung M8800, lumingon siya sa katabi niya na kausap yung isang babaeng kostumer.

"Magkano 'to?" tanong niya sa kasama niya sabay abot ng phone ko.

At tumambling na ako sa sumunod na naganap.

Pagkakuha nung isang babae sa phone ko, tumingin siya sa akin. Mula ulo hanggang sa bewang ko dahil hanggang dun lang ang kita niya mula sa kinauupuan niya. Dalawang segundong katahimikan at saka sinulyapan yung phone ko. Ni hindi man lang inexamine.

"Tres."

Hindi ko naintindihan nung una yung sagot niya kaya nilingon pa ako nung kasama niya uli.

"Three thousand."

Ano 'to, 3210?! naisip ko.  

Tapos panigurado, ibebenta mo 'to ng 10K sa iba.

"Sige. Thank you." na lang ang nasagot ko at saka umalis. Hindi makapaniwala sa nangyari.

Hindi ko alam kung compliment o lait yung nangyari sa akin.  Sa halagang tatlong libo, mas matagal niya akong inexamine kaysa sa cellphone ko.
Monday, January 4, 2010 3 comments

"Oo, eh. Favorite niya kasi."

Pauwe pa lang ako galing sa isa nanamang pagroronda sa mga malls ng Makati. Sinamahan kasi namin ang kaibigan ko mag-ikot ikot ng ipangreregalo niya sa partner niya dahil unang monthsary nila bukas. Naghanap na rin ako ng planner dahil nakalimutan kong bagong taon na nga pala.

Sa MRT, pagkababa ng kasama ko, nakaupo ako agad pagdating ng Ortigas station. Sakto lang dahil sobrang pagod na rin ako kaiiikot sa Glorietta at SM. Unan at banig na lang ang kulang, siguradong makakatulog na ako.

"Para sa kanya?" narinig ko mula sa katabi kong babae.

Kausap niya ang isa sa dalawang lalaking kaharap niya. Halatang pagod din dahil pare-pareho kami ng hitsura ng mukha. Yung tinanong, may dalang takeout galing sa Chowking. Dalawang set ng Chao Fan at softdrinks.

"Oo, eh. Favorite niya kasi." sabay ngiti nung lalaki sa kausap niya.

"Nakuu, nag-away siguro kayo, no? Bihira kang magdala ng pasalubong eh."

Natawa ang lalaki.

"Oo, baka upakan ako nun kapag wala akong dala. Joke lang. Matagal na kasi akong walang dala para sa kanya." sabi ng lalaki.

Natuwa ako para sa lalaki at dun sa pagpapasalubungan niya.

Simpleng kaligayahan.

Maliit na bagay pero alam mong pareho nilang gustong-gusto ang isa't isa sa tono ng boses ng lalaki. Na kahit sa maliit na bagay, gusto nilang makitang masaya ang isa't-isa.
3 comments

That's business for you

Pagkatapos ng buong hapong pag-iikot sa mall, naisipan namin ng kapatid kong babae na bumili ng DVDs sa suking pirata namin. Nahihilig kasi kami lately sa mga anime, lalu pa't bakasyon, marami kaming extra time manood.

Kaso 8pm na kaya hindi na namin inabutang bukas ang tindahan. Dahil wala ng ibang paraan, doon na lang kami bumili sa mga nasa gilid ng kalsada ng Grand Central, Northmall area. Yung sa may tapat ng LRT North Station.

Sa dami ng tao, dahil katatapos lang ng pasko (Dec. 26), mahirap humagilap ng magandang DVD habang binabantayan ang kapatid ko. Kaya pinabayaan ko na lang na siya na lang muna ang maghanap dahil mapapanuod ko din naman ang pipiliin niya.

Pagkatapos makabili sa isang tindahan, hindi pa kami nakuntento at lumipat kami sa isa pang stall at naghanap ng mabibili.

Nakakita ako ng True Blood Season 2 at may isa pang nakuha ang kapatid ko. Nag alala ako dahil isang libo na lang ang pera ko at sana may panukli ang tindera.

"Miss, magkano dito sa dalawa?" tanong ko.

"P60 isa." sagot niya sa akin.

Magulo ka kausap ah, naisip ko.

"Okay. May panukli ba kayo sa 1 thousand?" tanong ko uli.

Tiningnan niya ako na parang minura ko siya.

"May barya ka naman yata dyan eh." sabat niya na parang niloloko ko siya.

Biglang kumulo ang dugo ko. At sa tono ng boses niya, siya pa ang galit.

"Wala nga." sabay pakita ko sa kanya ang laman ng wallet ko. "Eto, oh."

Sabay silip siya.

Tinanong ko ang kapatid ko kung may extra pa siya, pero wala na din siya.

"Sige, pabarya muna kami." sabay lipat sa katabing tindahan niya.

Buti na lang mas matinong kausap yung tindera at siya mismo naghanap ng uutusan magpabarya sa pera namin. Nakabili pa kami ng 6 na DVDs.

Pagkaabot ng sukli sa akin, tiningnan na lang kami nung tinderang pinanggalingan namin. Ipinakita ko sa kanya ang dami ng DVD na nabili namin, ngumiti at saka umalis.

That's business for you, gusto ko sana sabihin pero pinigilan ko na lang dahil una, hindi ako nakikipag-away at pangalawa, hindi naman niya maiintindihan.
Related Posts with Thumbnails
 
;